SANDIGANG KAALAMAN
(Serye ng Katesismo ukol sa diwa ng Liturhiya sa panahon ng Adbiyento at Kapaskuhan)
ANG KORONA NG ADBIYENTO
Ang Korona ng Adbiyento o Advent wreath sa wikang English, ay isang kaugaliang nakaugnay sa diwa ng Adbiyento, ang paghahanda sa pagdating ng Panginoon.
Hindi malinaw ang pinagmulan ng kaugaliang ito. Inuugat ang pasimula nito sa kaugaliang pagano kaugnay ng taglamig (winter). Sa unti-unting paghaba ng dilim at pag-ikli ng liwanag, ang mga tao ay nagdadagdag ng ipinapasok na ilaw sa kanilang mga tahanan, na naging isang kaugalian dahil paulit-ulit nila itong ginagawa upang ipakita ang pananabik sa pagbabalik ng liwanag ng araw. Ang pagpapalibot ng koronang kulay luntian ay nagbabadya nang pananabik sa pagbabalik ng buhay na pinawi ng taglamig.
Sinasabing noong ika-17 siglo naging laganap sa Alemanya ang kaugalian. Ito ay debosyong pantahanan na nakasentro sa pananalangin ng pamilya, pagsisindi ng kandila at pagbubuklod ng mag-anak. Ang pagkakaroon ng Korona ng Adbiyento ay paminsan-minsang ginagawa sa Simbahan, hanggang maging malaganap na kaugalian na noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, At nakalulungkot na unti-unting nawala ang kaugaliang ito sa mga tahanan.
Binubuo ang korona ng Adbiyento ng pabilog na mga sanga na sinisingitan ng apat ng kandila. Maaring isabit ito sa kesame o ilagay sa isang nakatayong patungan. Tatlo sa mga kandila ay kulay-ube at ang ikaapat ay kulay-rosas. Ngunit pinahihintulot din ang paggamit ng apat na kulay-ube o puting kandila. At ayon sa ilan, mas napapanahon ang paggamit ng putting kandila.
Ipinahihiwatig ng mga kandila ang apat na sanlinggo ng Adbiyento at ang bilang ng mga kandilang nasindihan ay tumutugma sa bilang ng kasalukuyang sanlinggo ng Adbiyento. Sinisindihan ang kandilang kulay-rosas sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, na kilala rin sa tawag na Linggo ng Gaudete (Linggo ng Kagalakan).
Dahil nakaugalian nang gamitin sa mga Simbahan ang Korona ng Adbiyento, naging bahagi na ito kasama ng mga bagay na matatagpuan sa santuwaryo. Bagamat iminumungkahing kung maaaring bawasan ang mga palamuti sa panahong ito, lalo na ang bulaklak, ang Korona ng Adbiyento ay naging palamuting may saysay, hindi lamang para maging kaayaaya ang paligid kundi para magpaalaala ng ginagawang paghahanda at ayon sa tagubilin ng Aklat ng Pagbabasbas, hindi ito dapat makaagaw ng pansin sa mga tampok sa santuwaryo: altar, ambo at upuan para sa pari o makasagabal sa pagdiriwang. Ito rin ay dapat may sapat na laking makikita ng mga tao at angkop sa sukat ng simbahan at santuwaryo.
Ayon sa nasabing Tagubilin, gaganapin ang pagbabasbas ng Korona ng Adbiyento sa Unang Linggo ng Adbiyento o sa dapit-hapon bago ang Unang Linggo ng Adbiyento. Kung sa loob ng Misa sa Simbahan, gaganapin ito ng pari o matapos ang Pagpapahayag ng Pananampalataya, sisimulan ito sa nakatakdang Panalangin ng Bayan at tatapusin sa Panalangin ng Pagbabasbas at saka sisindihan ang unang kandila. Sa tahanan naman, ang pagbabasbas ay magagampanan ng ama ng tahanan na may pagpapahayag ng Salita ng Diyos at panalangin ng pagbabasbas at hindi na kailangang wisikan ng banal na tubig.
Sa mga susunod na Linggo, ang mga kandila ng Korona ng Adbiyento ay sisindihan bago simulan ang Misa o kaya, bago ang Panalanging Pambungad at hindi na nangangailangan ng mga dagdag pang panalangin o ikikilos. Kakaiba naman sa tahanan, dahil iminumungkahing may pagpapahayag ng Salita ng Diyos at panalangin bago sindihan ang kandilang nagbabadya kung anong Linggo na ng Adbiyento. Iminumungkahi ring bago maghapunan ganapin ang pagtitipon sa paligid ng Korona at pagsisindi nito.
Matapos masindihan ang lahat ng kandila ng Korona, bago magsimula ang pagdiriwang sa bisperas ng Pasko, mainam na iligpit na ang Korona ng Adbiyento dahil naganap na nito ang dahilan kung bakit siya ay inilalagay sa santuwaryo – ang ipaalaala ang apat na sanglinggo ng Adbiyento. Sisimulan na ang Panahon ng Kapaskuhan, kaya’t ang kapaligiran ay binabago upang ibadya ang pagpasok ng masayang diwa ng Pasko.
Ang kaugalian ng paglalagay ng Korona ng Adbiyento ay buhay na buhay pa rin sa ating mga Simbahan, subalit mukhang sa mga tahanan ay nakalimutan na ito. Kaya nga, bilang pantulong, sa likod ng Maliit na Misal para sa Disyembre na buwanang pinalilimbag ng ating Diyosesis, matatagpuan ang Pagdiriwang ng Pagsisindi ng Korona ng Adbiyento sa mga Tahanan. Mainam na maibalik ito sa mga tahanan kung saan din naman nagmula ang kaugaliang ito.
– Fr. Francisco Carson
Diocesan Commission on Liturgy
———————————-
SANGGUNIAN (Sources):
Book of Blessings approved for use in the Dioceses of the United States of America by the National Conference of Catholic Bishops and Confirmed by the Apostolic See, The Liturgical Press, 1989
Pampamilyang Pagbabasbas sa Adbiyento at Pasko ni Mons. Moises B. Andrade, SLD, Manila: Synaxis Publications, Inc., 1994
The New SCM Dictionary of Liturgy and Worship edited by Paul F. Bradshaw, SCM Press, 2005

