
Ang simbahan ng matandang parokya sa bayan ng Bocaue ay hindi lamang tahanan ng patron nitong si San Martin ng Tours. Ito rin ay kilala sa pagdedebosyon sa “Mahal na Poon ng Krus sa Wawa”, na hindi lamang laganap sa bayang ito, kundi maging sa buong lalawigan ng Bulacan at sa buong bansa.
Sinasabing noong unang Linggo ng Hulyo ng taong 1850, isang itim na krus ang natagpuang lulutang-lutang sa bukana ng Ilog ng Bocaue sa lugar na kung tawagin ay Wawang Capiz, dahilan upang ito ay tawaging “Krus ng Wawa”. Ayon naman sa ilang nakatatanda, isang mangingisda mula sa Brgy. Bambang ang nakatagpo sa krus at sa tulong ng mga taga-nayon, nagtayo sila ang isang kapilyang gawa sa kawayan, kugon, at pawid. Ito ang naging unang dalanginang luklukan ng Krus sa Wawa.
Unti-unting lumawak ang pagdedebosyon sa nasabing Santa Cruz. Nagsimulang magdatingan ang ilang manlalakbay mula sa ibang lugar upang manalangin sa Banal na Krus ng Wawa. Dahil na rin sa mga pagpapala at tugong natamo ang mga deboto nagsagawa ng isang Banal na Misa at lutrina sa Ilog Bocaue kung saan iginaod ng siyam na gabi ang Krus sakay ng isang bangka.
Ang mga kaganapang ito ang nag-udyok sa mga may namumuno sa simbahan upang ito ay masusing pag-aralan. Noong taong 1851, ipinadala nang noo’y nanunugkulang Kura Paroko ng Bocaue na si Fray Antonio Roman, O.F.M. si Fray Miguel dela Fuente, O.F.M. upang dalhin ang krus sa simbahan sa Poblacion, kung saan ito idinambana sa tulong ng mga residente.
Higit pa nitong pinatibay ang pananampalataya ng mga taga-Bocaue at ang pagdedebosyon nila dito ay lalong pinaigting ng mga samut-saring kwento ng himala na naranasan ng mga mananampalataya.
Taong 1898, naharap sa isang mahigpit na pagsubok ang pananalig ng mga mamamayan nang lunusin ng isang sunog ang malaking bahagi ng Bocaue. Kabilang dito ang simbahan kung saan nakaluklok ang Mahal na Krus.
Inakala noong kasamang natupok ang krus sa pagkakasunog ng simbahan ngunit ito pala ay nailigtas ni Patricio San Pedro na pansamantala itong kinupkop hanggang sa ito ay ibalik niya kay P. Cipriano Aguirre nang matapos maipagawa ang simbahan.
Sa pagkakabalik na ito ng krus, nag-ibayong muli ang pagdedebosyon at ipinagpatuloy ipagdiwang ang kapistahan ng Mahal na Poon tuwing unang Linggo ng Hulyo sa pamamagitan ng pagpuprusisyon dito lulan sa pagoda na naliligiran ng mga bangkang may gayak.
Sa pagkakataong ito, napasimulan ang “Ligiran”. Sa tradisyong ito, sinusundo ang Krus mula sa simbahan at isinasakay sa malaking bangka (casco). Ito ay karaniwang dinaragsa ng mga debotong nakasakay naman sa mas maliliit na bangka na lumilibot paikot bangkang kinalulunanan ng Krus. Ang pag-ikot-ikot na ito ay ang tinawag na Ligiran.
Kasabay ng mabilis na paglipas ng panahon, unti-unting nababago ang hugis at kaanyuan ng mga pagoda. Ang dating kubol na kinalalagyan ng Krus ay naging matayog na tore, na kung ihahambing ay tila pagoda ng mga Tsino. Dahil na rin sa kagustuhan ng mga tao na maging bahagi nito, unti-unting lumaki sa sukat ng pagoda. Ang dating casco ay tila ba naging isang barko sa laki. Mula sa unang paglalayag nito hanggang sa kasalukuyan, ito ay nagsisilbing paalaala sa atin ng lubos na pamamanata sa Mahal na Krus ng Wawa.
Ngunit noong ika-2 ng Hulyo, sa ikawalong araw ng lutrina sa ilog, ang masaya sanang pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Poon ng Krus sa Wawa ay nabalot ng mga pananagis at pagdadalamhati dahil sa isang malagim na trahedya. Ang pagoda kung saan nakalulan ang Mahal na Poon ng Krus sa Wawa ay lumubog sa Ilog ng Bocaue kasama mahigit na dalawang daang kataong nasawi sa ngayon ay kilala bilang “Bocaue Pagoda Tragedy”.
Matapos ang trahedya, ipinagbawal ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang paggawa ng malalaking pagoda sa Bocaue. Sa kabila nito, hindi nahinto ang debosyon ng mga namamanata sa Krus. Bagamat nahinto ang gabi-gabing lutrina, sa araw ng kapistahan ng taong ay isinasakay ang Krus ng Wawa sa isang kasko upang iligid ito sa ilog.
Ang muling paggawad ng pagoda sa Ilog ng Bocaue ay pinagunahan ni Rdo. P. Josefino Sebastian at ng mga deboto ng Mahal na Krus sa Wawa. Taong 2003, sa pahintulot ng pamahalaang panlalawigan at ng Obispo ng Malolos ay unti-unting binuo ang isang mumunting pagoda sa tulong ni G. Deo Concepcion, ka-pangulo ng Sangguniang Pastoral na siyang nagdisenyo nito.
Sa taong ito rin, kasabay ng paggunita sa ikasampung taon ng trahedya ay ipinatayo sa kanang gilid ng simbahan ng Bocaue ang isang kapilya bilang pag-alaala sa mga nagbuwis ng buhay sa malagim na trahedya sa pagoda. Ito ay binasbasan at pinasinayaan noong ika-3 ng Hulyo, 2003. Ang sinasabing kapilya ay iniwangis sa isang pagodang ginagamit sa ligiran na nang lumaon ay naging isang Pandiyosesis na Dambana noong Setyembre 14, 2008 na nilagdaan ng Lub. Kgg. Jose F. Oliveros.
Sa panahon ng panunungkulan ni Msgr. Alberto R. Suatengco, muling ibinalik ang maringal na pagdiriwang ng pista ng Mahal na Poon ng Krus sa Wawa. Ipinasya ng mga kinauukulan na makalipas ang dalawampu’t isang taon ng trahedya, muling binuhay ang pagpuprusisyon sa Mahal na Krus lulan ng isang malaking pagoda at ang tradisyunal na siyam na gabing lutrina sa ilog na pinag-ibayo ang mga hakbang upang maiwasan ang naganap na trahedya ng nakaraan.
Kaalinsabay nito, muling nabuhay ang turismo ngunit higit sa lahat, naging higit na maalab ang pagpapalaganap ng debosyon na siyang pangunahing diwa sa pagpapayaman ng pamimintuho sa Panginoon.
Sa panahong ito ng pandemiya, ang debosyon sa Mahal na Poong Krus sa Wawa at kay San Martin ng Tours ay gumagabay sa mga mananampalataya upang paigtingin ang buhay pananalangin sa panahong ito ng matinding pagsubok habang isinasaalang-alang ang pagtulong sa kapwa na tunay na maituturing na bunga ng pamimintuho at buhay Kristiyano.
Isinulat ni: G. Robby V. Dela Vega, L.P.T., MA.Ed. (Cand.), DCSC Research Team
Mga Sanggunian:
Galindo, Fr. Jesus OFM. 400 years of the Franciscans in the Philippines (1578-1978) (Commemorative Book). San Miguel, Manila. 1979.
German, Alfredo, Ang Bukawe Noon, Ngayon at Bukas. Malolos, Bulacan: Jeanmar Printing Press. 1992.
Dionisio, Ronaldo, et. al. Bocaue 1606. Bocaue, Bulacan: Parokya ng San Martin ng Tours, 2015.

